Tag Archive for Victory Liner

Solid North

Aba at may bagong bus line na pala papuntang Norte mula sa Maynila. Ang pangalan --- SOLID NORTH! May libreng WIFI, mala-eroplanong serbisyo at napakalinis pa raw. I-click para sa Larawan ng Solid North. Nabalitaan ko lamang eto kanina sa Facebook status ng aking kababata at kaibigang si Ryan Laranang na isa na pong kagalang-galang na kagawad sa bayan ng San Clemente, Tarlac. Sya ang kamag-aral ko mula elementarya hanggang hayskul na tuwing may lakbay-aral ay ikukuha ng kanyang nanay ng 2 puesto sa bus para lamang nakahigang nagbyabyahe samantalang karamihan ay nagtyatyagang kalong lang ng nanay o di kaya'y nagpipilitang iupo ang nahuhulog ng puwitan. Bunso kasi kaya talagang namang alagang-alaga ng mga magulang. Mga huling taon na yun ng dekada 80. Naglipana sa kalsada ang Pantranco, Philippine Rabbit, Dangwa, at ilang maliliit na bus na  kung tawagin namin ay Mazda. Di pa sikat noon ang aircon buses dahil kung tutuusin naman ay di kailangan ang gayun dahil napakaganda pa ng klima noon. Eto iyong mga panahon na habang umaandar ang bus ay ninanamnam mo rin ang palaspas ng hangin sa iyong mukha ng kung ilang oras. Pagdating sa destinasyon ay tiyak  na matigas ang buhok at may malapulbos na alikabok sa mukha at buong katawan. Ang tatakbuhin ng 3 oras ngayon ay aabutin ng 4 hanggang 5 oras noon. Ang bintana pa nga ay ang basag-basag na plexiglass na may mga nakadikit pang chewing gum. Naglilimahid sa dumi at napakaalikabok pero dahil wala namang alternatibo, wala kaming reklamo. Napakatigas ng upuan at hindi naiaayon sa hugis ng likod na tulad ng sa ngayon. Bagama't di kumportable ay kapanapanabik ang mga stopover dahil may naglalako ng malamig na tubig na nasa plastic. Nakakaaliw panoorin ang mga nag-uunahang sumabit na manlalakong may bitbit na iba't-ibang pagkain tulad ng balut, penoy, talop na mangga, tupig, suman, chicharong may suka, nilagang mani, nilagang itlog, adobong mani na may napakaraming bawang, mais na inihaw at nilaga, at mga mumurahing kendi na binebentang tingi. Sosyal ka na noon pag nakapagsoftdrinks. Nakakapangulila. Baka pagbalik ko ng Pilipinas ay wala na ring Victory Liner at Five Star na sya namang sikat ng magkolehiyo ako. Panahon na ng Solid North. Ang mga pasahero ay mga kabataang may tangan-tangang WIFI gadgets at laptop. Malamang ay nakakulong na lamang sila sa sariling mundo at di na nakikipag-usap sa katabing pasahero. Nagbago na talaga ang panahon. At higit sa lahat matanda na rin talaga ako.

Lumang Philippine Rabbit